Sunday, November 27, 2011

Pare-pareho

At the beach, self-portrait.

Otherness at sameness.

Iyan ang dalawa sa mga topics na gusto kong i-explore sa blog na ito. Nung kararating ko lang dito sa France tandang-tanda ko, halos araw-araw, naiisip ko, "Aba, iba ito!" Kung paano sila magsalita, kung paano gumalaw, kung paano kumain, kung paano manamit, lahat ng detalye, minamasdan ko. Kadalasan ang conclusion ko ay hindi sila katulad ko. Or rather, hindi ako katulad nila.

Nung una, kung naalala niyo pa 'yung mga kuwento ko sa una kong blog na Provenciana, nahirapan akong mag-adapt. Na-culture shock. Pero nung una lang iyon.

Ngayon, six years later, ang madalas kong naiisip ay tama yung kapatid kong si Bel nung sinabi niya sa akin, "Pare-pareho lang iyan." If you get past the superficial stuff, katulad ng pananalita at pananamit, French man o Filipino, hindi naman masyadong nagkakalayo ang mga tao. Gustong magtrabaho. Gustong humilata kapag linggo. Gustong kumain ng masarap. Gustong magpapayat. Gustong magka-jowa. Gustong magka-anak. Gustong makahanap ng paniniwalaan. Gustong maging masaya.

Dati, kapag naitatanong sa akin kung ano ang nationality ko, conscious ako na may kaunting hint ng defensiveness ang pagsagot ko na "Filipino." Afraid kasi ako na iniisip nilang backward Third-Worlder ako. Ngayon, kapag naitatanong ito ay medyo napapatigil ako. Hindi ko na kasi ini-expect. Oo nga pala, natatandaan ko sa mga moments na ito, sa unang tingin, iba ako.

Tuesday, November 15, 2011

Welcome, Mother

Eto pala ang isang detalye na ayaw kong kalimutan: Pagkatapos kong manganak, at inilagay na nung nars (yes, si Le Rhoda) yung hubad kong anak sa hubad ko ding dibdib, damang-dama ko ang pagmamahal. Mainit at malamig na pakiramdam. Hindi ako makapaniwala, pero ang pruweba ay nandiyan, munting tao na kanina lang ay bahagi ng aking laman. Humihinga kasabay ko. Gumagalaw ng konting-konti lang. Gustong kong tumawa nang malakas at umiyak at the same time.

Nung kinuha na nung nars ulit yung baby, napansin namin na may iniwan itong maitim na mantsa sa aking mga daliri. Dali-dali akong pinunasan nung nars, sabay sabing, "Normal lang iyan."

Ngayong two years old na si Lilou, at naranasan ko na ang magkakambal na saya at hirap sa pagkakaroon ng sanggol sa bahay, masasabi ko na yung umaga na iyon ay mainam na mainam na simula sa pagiging nanay, dahil kadalasan nga naman, habang ang puso mo ay ume-explode sa pagmamahal, punong-puno naman ng tae ang iyong kamay.

Friday, October 28, 2011

Birth Story, à la Rhoda

Le Rhoda's baby

Nung nanganak ako kay Lilou nung 2009, napatunayan ko for the nth time na ang buhay ko ay isang Roderick Paulate movie. Nung nagla-labor ako dun sa ospital, nung una ay dalawang midwife ang nag-attend sa akin. Parehong babae, parehong mas bata sa akin, at parehong napaka-discreet at respectful. Nakabaladbad ako doon sa kama, my private parts exposed to the world, at "Madame" pa rin ang tawag nila sa akin.

Things were going very normally, until enter from stage left - si Rhoda.

More precisely, ang sabi nga naman ng kaibigan ko, Le Rhoda. Si Roderick Paulate, kung saka-sakaling French siya at isang midwife na nagtatrabaho sa isang ospital sa Montpellier.

"Ganyan, ganyan nga, ang galing mo mag-push!" ang sey niya. "Huwag kakalimutan ang natutunan sa iyong pre-birth classes! Ganyan nga. Ay ang galing talaga mag-push." Pagkatapos ay magka-klap siya. Yes, hindi iyan imbento. Nagka-klap talaga siya, at hindi lang isang beses ha, paulit-ulit pa. Push ako. Clap siya. Push. Clap na naman.

Siguro dahil nakasanayan niya, Madame din ang tawag niya sa akin nung una, kaso hindi ko talaga makayanan ang eksena. "Given the situation," sabi ko, "Apol na lang ang itawag ninyo sa akin."

Ang reply niya: "O sige, Apol, why not." Clap.

Nung lumabas na si Lilou, ang sabi ni Le Rhoda kay Pierre, ang aking asawa, "In a few years, I tell you, dahil mestisa ang anak ninyo, siya talaga ang magiging pinakamaganda - reyna sa eskuwela! Careful sa boys."

Hanggang ngayon, kapag naiisip ko ang lahat nang ito, ang nase-sey ko na lang ay, Nakakaloka siya.

Wednesday, October 26, 2011

Ang Pagbabalik

Ang tagal ko na gustong mag-blog uli tungkol sa buhay-buhay. So ayan, game, heto na ako uli. Sa mga dating readers nung blog ko na Provenciana, na naging libro na puwede ninyong bilhin sa mga Fully Booked branches sa Manila (naks, plugging), hello! Sana mag-enjoy din kayo dito. Sa mga baguhan, puwede ninyong basahin yung luma kung blog, pero kung wala naman kayong time, heto ang mabilis na recap: Ako si Apol, dating super-frenetic career woman sa Maynila, who left it all to resettle to a provenciana life in the south of France.

Sa blog na ito, mababasa ninyo ang mga muni-muni ko tungkol sa nakakaloka kong bagong buhay. Ay, hindi na pala masyado bago, kasi more than six years na ako nakatira dito. Tingnan na lang natin kung paano na nag-iba ang pananaw ko.

Kung bakit ako nagta-Taglish? Nami-miss ko na siya. Wala akong kausap na Filipino dito. Kung hindi mo pa nae-experience ito, ang maraming taon na walang kausap sa lengguwaheng kinalakihan mo, maniwala ka sa akin: hindi siya masaya. Parang may kati sa dila at utak mo all the time. Dito sa blog na ito ako magkakamot.

Sabi ko rin kay Tara FT Sering, yung publisher nung libro ko, parang original yata magsulat in Taglish. Not really, sabi niya, si Lourd de Veyra matagal na itong ginagawa para sa spot.ph. Tabi-tabi kay Lourd sa pagiging gaya-gaya putomaya. Fan naman ako eh. Naalala ko, napanood ko siya sa isang event noon sa Makati. Nasa stage siya, kumakanta ng Baboy, at biglang - wow! - feeling ko biglang ang pogi-pogi-pogi niya. Rock star effect yata ang tawag dun...

O siya, stay tuned!