Tuesday, November 15, 2011

Welcome, Mother

Eto pala ang isang detalye na ayaw kong kalimutan: Pagkatapos kong manganak, at inilagay na nung nars (yes, si Le Rhoda) yung hubad kong anak sa hubad ko ding dibdib, damang-dama ko ang pagmamahal. Mainit at malamig na pakiramdam. Hindi ako makapaniwala, pero ang pruweba ay nandiyan, munting tao na kanina lang ay bahagi ng aking laman. Humihinga kasabay ko. Gumagalaw ng konting-konti lang. Gustong kong tumawa nang malakas at umiyak at the same time.

Nung kinuha na nung nars ulit yung baby, napansin namin na may iniwan itong maitim na mantsa sa aking mga daliri. Dali-dali akong pinunasan nung nars, sabay sabing, "Normal lang iyan."

Ngayong two years old na si Lilou, at naranasan ko na ang magkakambal na saya at hirap sa pagkakaroon ng sanggol sa bahay, masasabi ko na yung umaga na iyon ay mainam na mainam na simula sa pagiging nanay, dahil kadalasan nga naman, habang ang puso mo ay ume-explode sa pagmamahal, punong-puno naman ng tae ang iyong kamay.

No comments:

Post a Comment